PatrolPH

Tindera ng gulay patay sa pamamaril sa La Union

ABS-CBN News

Posted at May 21 2022 10:09 PM

Kuha ng PNP Bauang, La Union
Kuha ng PNP Bauang, La Union

Patay sa pamamaril ang isang 52-anyos na tindera ng gulay sa Barangay Central East sa bayan ng Bauang, La Union nitong Biyernes ng umaga. 

Ayon sa hepe ng Bauang Police na si Police Major Cresencio Abila naka-angkas sa kolong-kolong (open tricycle) ang biktima nang pagbabarilin ng dalawang lalaki.

Dead on arrival sa ospital ang biktima na nagtamo ng tama ng baril sa ulo.

Ligtas naman ang tricycle driver na kasama ng biktima sa pagtitinda ng mga gulay. 

Nahuli ang isa sa mga suspek sa isinagawang hot pursuit operation.

Ayon kay Abila, ang target pala sa pamamaril ay ang driver ng kolong-kolong at nadamay lang ang biktima. 

Selos ang nakikitang motibo sa krimen. 

Ang kasintahan daw kasi ng nahuling suspek ay laging kasa-kasama ng tricycle driver. 

Nasampahan na ng reklamong murder at attempted murder ang suspek. - ulat ni Grace Alba

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.