Itinatayo sa Batangas ang isang food terminal at trading post na layong tulungan ang mga magsasaka na bumangon sa pandemya.
Gagawin ito sa bisa ng "Agri-industrial Business Corridor" na programa ng provincial government ng Batangas.
Sa higit 9 na ektaryang lupain sa Barangay Malainin sa Ibaan ipapatayo ang trading center, katuwang ang Department of Agriculture.
May mga food processing plant, cold storage facility, at dressing plant din para sa manok sa lugar.
"Kung andito ang trading post, kahit pa dumating ang mga ganyan mabilis natin sila madadala dito. Mapupuntahan ng mga trader, and 'yung ibang matitira kung may processing plant na tao dito na mayroon tayo itatayo dito na multi-commodity ay hindi masisira kasi ipa-process na natin," ayon sa provincial agriculturist na si Rodrigo Bautista.
Layon nito na hindi maputol ang daloy ng food supply at matiyak na may pagkain ngayong panahon ng pandemya at iba pang kalamidad na darating.
Magpapatayo rin sila ng regional food terminal sa Sta. Rita Aplaya sa siyudad ng Batangas, na sentro ng "Agri-industrial Business Corridor."
May sariling food port din sila at fish port sa Danglayan sa bayan ng San Pascual.
Nasa 29 na ektarya ang lawak nito na magkatuwang na proyekto ng Batangas Government at Department of Agriculture.
Ayon kay Batangas Provincial Administrator Leonardo Dimaunahan, hindi lamang agrikltura ng Batangas ang uunlad sa pagtatayo ng regional food terminal.
"Ito ay kasama rin sa tinatawag natin ASEAN connectivity. Darating ang panahon, ito ay napagpirmahan na ang lahat [ng] ASEAN countries ay magkakaroon ng highway, food highway at ito ang magiging landing zone ng food highway para sa ASEAN connectivity," ani Dimaunahan.
Pagdudugtungin din ng proyekto ang Batangas International Port at Bauan Port sa pamamagitan ng coastal road.
Dahil inaasahang bubuhos ang mga manufacturing plant sa regional food terminal, inihahanda naman ang higit 1,000 ektaryang lupain na sakop ng mga bayan ng Alitagtag, San Pascual at Bauan para gawing industrial park kung saan itatayo ang mga manufacturing plant.
"Sa pangangailangan na makarekober at masigurado na ang daloy ng pagkain ay hindi mapuputol sa nakita nating karanasan ngayong nag-pandemya, ay nagkaroon ng ating pagbabagsakan ng lahat ng product na manggagaling sa Visayas, Mindanao at gayundin yung produktong galing naman dito sa Batangas , Southern Tagalog at Metro Manila pupunta din naman sila ng Bicol Region, Visayas at Mindanao," ani Dimaunahan.
Inaasahan din na hindi lamang mga magsasaka ang uunlad dahil lilikha rin ng libo-libong trabaho ang proyekto dahil sa mga itatayong mga manufacturing at processing plant.
— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, Batangas, Batangas City, magsasaka, agriculture, agrikultura, Batangas government, Department of Agriculture, Agri-industrial Business Corridor