Cotabato City nakaranas ng matinding pagbaha

ABS-CBN News

Posted at May 21 2021 06:46 PM | Updated as of May 22 2021 10:59 AM

Cotabato City nakaranas ng matinding pagbaha 1
Contributed photos

COTABATO CITY - Binaha nitong Huwebes ng gabi ang maraming barangay ng bayan na ito kasunod ng malakas na buhos ng ulan. 

Bumungad sa mga residente ng De Mazenod Avenue, Rosary Heights Mother ang abot-baywang na baha pasado alas-8 ng gabi matapos ang malakas daw na buhos ng ulan. 

Nagsulputan din sa social media ang iba pang larawan at video ng pagpasok ng baha sa kani-kanilang mga bahay.

Ayon sa mga residente, marami sa mga bahay sa Cotabato City ang ngayon pa lamang nakaranas ng baha sa loob ng 15 taon. 

Sabi naman ni Reynaldo Ridao, hepe ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), umaabot sa 60 porsyento ng mga bahay sa siyudad ang apektado raw ng baha. 

BALIKAN: 

Watch more on iWantTFC

Isa rin sa nakikitang dahilan ng CDRRMO na dulot ng pagbaha ay ang mga water hyacinth na bumabara raw sa mga ilog sa lungsod, at baradong mga kanal.

Ito ay bukod pa raw sa pagiging catch basin ng lungsod ng tubig na nagmumula sa mga karatig probinsya. 

Patuloy naman ang ginagawang monitoring ngayon ng CDRRMO sa lahat ng mga barangay sa lungsod na lubog sa baha. 

Paalala naman ng naturang opisina sa publiko na panatilihing maging alerto sa mga panahon ng sakuna at laging makipag ugnayan sa mga kawani ng barangay. 

Nag-abiso naman ang Metro Cotabato Water District (MCWD) na maaring makaranas ng low water to no water pressure ang nasasakupan ng kanilang buong franchise area. 

Isinara na rin ng MCWD ang pumping station ng Sitio Lumboy, Awang, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao dahil sa malakas na agos ng tubig at pag baha sa mga ilog.

Paalala din ng MCWD sa publiko na panatilihin ang pag-iimbak ng sa ganon ay may magagamit pagdating ng araw ng sakuna.