TIPS: Paano masigurong ligtas habang nagbibisikleta

ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 06:31 PM | Updated as of May 22 2020 06:33 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Isang wedding photographer si Robert Damian noong wala pa ang krisis sa COVID-19 pero napilitan siyang maghanap ng ibang raket para kumita sa gitna ng pandemya. 

Bumili si Damian ng bike at siya mismo ang nagde-deliver araw-araw ng mga nabebenta niyang mangga online. 

Wala kahit anong safety gear si Damian, at nakasando, shorts, at tsinelas lang siya habang nagbibisikleta.

"Si Lord na lang 'yung bahala sa akin. Di ako nakikipagsabayan sa mga kotse sa mga jeep... Sa tabi lang po ako," ani Damian. 

Kailangan niya kasi buhayin ang buntis na kinakasama at isang anak kaya pinagkakasya niya ang kita na nasa P480 kada araw.

Mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine, marami na ang gumamit ng bike para makapasok sa trabaho o makapagnegosyo.

Ayon sa isang cycling enthusiast, delikadong makaligtaan at masanay na hindi nagsusuot ng helmet habang nagba-bike.

"Kasi kung mahulog ka sa bisikleta, helmet is the first line of defense mo... Without the helmet huwag ka magbisikleta," ani Goyo Larrazabal, cycling enthusiast. 

Pinaliwanag din niya ang wastong pagsuot ng helmet para hindi mahulog. Mas maigi raw kung ang helmet ay may mga butas lalo't ngayon sa init ng panahon.

Tips ukol sa helmet:

  •  Mamili ng helmet na kasya at sakto sa ulo
  •  Dapat may mga butas ang helmet
  •  Higpitan ang strap sa baba, pero siguraduhing nabubuksan pa rin ang bibig

Dapat din siguraduhin na nakikita ng ibang motorista ang nagbibisikleta.

"May tape na nabibili sa hardware store, reflectorized, put it in front of the bike, at the back. 'Yung stick sa balloon, tie it and put a flag. Ideally you don't bike at night," ani Larrazabal.

Kadalasan din binabalewala ng ilan ang batas trapiko dahil maliit at mabilis makasingit ang mga bisikleta.

Narito ang ilan pang tips ni Larrazabal: 

  • Gamitin ang bike lane
  • Huwag sumabay sa malalaking sasakyan
  • Sumunod sa batas trapiko
  • Huwag mag counter flow
  • Iwasan ang paggamit ng cellphone
  • Kung gagamit ng headset, ilagay sa isang tenga lang

Kung gamit ang bike sa pagpasok sa trabaho, magdala rin ng extrang damit at laging tingnan ang dinadaanan at maging alerto.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.