PatrolPH

'Negative ang kita': Food businesses na balik-operasyon kahit lockdown naghahabol ng bayarin

ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 06:42 PM | Updated as of May 21 2020 08:59 PM

Watch more on iWantTFC

Umaaray ang ilang negosyante dahil kasabay ng pagbubukas ng kanilang mga negosyo, umaaray din sila sa kakulangan ng kinikita ngayong limitado pa rin ang kanilang operasyon sa ilalim ng lockdown. 

Ang Wing Commander sa Antipolo, Rizal, maituturing umanong masayang tambayan noong wala pang coronavirus outbreak. 

Pero ngayon, bukod sa walang tao dahil ipinagbabawal ang dine-in, mahina rin ang take-out at delivery orders ayon sa may-ari na si JR Pascual. 

Aniya, aabot lang sa 20 porsiyento ng kaniyang karaniwang kinikita ang nakukuha nila ngayong may lockdown. Ang kinikita aniya, kulang pambayad sa gastusin sa kainan. 

"The rent itself hindi po yung mako-cover. Even the rental, electrical, and also some utility bills. Even the employees' salary," ani Pascual. 

Kasalukuyang nasa general community quarantine ang Antipolo, na nasa probinsiya ng Rizal. 

Nabawasan din ang suweldo ng mga rider sa delivery orders dahil sa ipinapatupad umanong rotation sa kanila. 

Gayunman, mapalad pa rin ang tingin ng ilan, gaya ni Miles Baroga na may trabaho pa rin ngayon. 

"Ngayon tipid-tipid lang muna, pass muna sa ganun. Kailangan pagkasyahin yung kita," ani Baroga. 

Ang ilan, gaya ni Zzlleenn Lee na may-ari ng The Frazzled Cook sa Quezon City, aminadong naghahabol ng pambayad sa mga nakaraang buwan at sa ngayon ay "negatibo" pa aniya ang kinikita kahit bukas na ang negosyo dahil may lockdown. 

Ayon sa Small Business Corporation, naglaan sila ng P1 bilyon na pondo para makatulong s maliliit na negosyo. Aabot anila sa P500,000 ang puwedeng mautang depende sa kapital ng isang negosyo. 

"Any micro or small enterprise can borrow from small business corporation an amount that does not exceed 500,000. May grace period ito na 6 na buwan, wala kang bayad ng 6 months," ani Frank Gonzaga, VP for planning ng Small Business Corporation. 

Maaaring bayaran sa loob nang 6 buwan ang utang. -- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.