Mga kabuhayan sa Eastern Samar, apektado ng pananalasa ng bagyong Ambo

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 02:03 AM

Apektado ang kabuhayan ng mga residente ng Eastern Samar matapos manalasa ng bagyong Ambo nitong nakaraang linggo. 

Katulad ni Evangeline Jataas mula sa Barangay Binugawan sa bayan ng San Policarpo na mangiyak-ngiyak dahil sa sinapit ng kanilang mga tanim na melon na aanihin na sana pero dahil sa lakas ng hangin at baha dulot ng bagyo, hindi na ito mapapakinabangan.

Kasama rin sa mga nasalanta ang tanim nilang mga pakwan, sitaw, at ampalaya. Kwento pa niya, ngayon lang sila nakaranas ng ganitong kalamidad.

Makikita naman sa taniman ng mangga ni Wenceslao Pajares ang mga nagkalat na mga bunga.

Dito umaasa ang pamilya niya para pambili ng bigas at nangangamba pa siya na matigil sa pag-aaral ang kanyang dalawang apo dahil maghihintay sa makabangon ang kanyang mga pananim.

Sa inisyal na tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Eastern Samar, aabot na sa 34,235 pamilya ang apektdo ng bagyong Ambo.

Aabot naman sa P134 milyon ang inisyal na danyos sa sektor ng agrikultura sa rehiyon dahil sa bagyo, ayon sa tala ng Department of Agriculture Eastern Visayas.

Nagsasagawa ngayon ng validation ang Department of Agriculture sa rehiyon sa isinumiteng danyos sa bawat probinsiya para matugunan ang pangangailangan ng mga apektado.

Inaasahan naman ng mga apektadong residente na mas magiging mabilis pa ang pamamahagi ng tulong sa mga apektadong residente matapos isailalim sa state of calamity ang 9 na bayan ng Eastern Samar na matinding napinsala ng bagyong Ambo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.