Mga bulaklak sa isang farm sa Iloilo na apektado ng lockdown, ipinamahagi sa mga frontliner

ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 06:23 PM | Updated as of May 21 2020 10:25 PM

Dahil apektado ng enhanced community quarantine nang mga nakaraang linggo, nagdesisyon ang may-ari ng isang flower farm sa Pototan, Iloilo na ipamahagi sa mga frontliner ang kanilang mga tanim na bulaklak simula nitong nagdaang weekend.

Ito'y imbes na matuyo na lamang ang mga bulaklak na hindi man lang nasisilayan ng mga tao habang hindi pa makapagbukas ang flower farm dahil sa coronavirus restrictions.

Sa halos isang ektaryang lupain ni Taggie Montero, makikita ang halos 20,000 sunflowers. Dati itong rice farm pero naisipan niyang tamnan ito ng bulaklak tuwing summer para sa kaniyang asawa at ina.

Unti-unti itong naging sikat kaya binuksan sa publiko. Dito maaaring makakuha ng bulaklak o puwede ring maglaro. Pero patok ang farm sa mga mahilig sa pictorial.

Nang isailalim sa ECQ ang Iloilo, isa sa mga industriya na malaking naapektuhan ay ang kaniyang flower farm.

"Daku gid ang epekto sa farm. Gin prepare namon. Kami indi pwede ka guwa tawo indi ka kadto sa farm damo pirde. We planted it and then waay income. That is why resort kami ipanghatag na lang sa mga flowers rather than malaya na lang sa," ani Montero sa isang panayam nitong Sabado.

(Malaki ang epekto sa farm. Hinanda 'to. Hindi kami makalabas. Ang mga tao hindi rin makapunta sa farm. Malaki ang lugi. Nagtanim kami tapos walang kita. Kaya ipinamigay na lang namin ang mga bulaklak kaysa matuyo na lang.)

Marso 1 nang sinimulan nina Montero ang pagtatanim ng sunflower sa kanilang flower farm. Umaabot ng 45 araw bago mamulaklak ang mga tanim, at bawat dalawang linggo, nakaka-harvest na sila.

Nitong ika-16 ng Mayo, nagsimula silang ipamahagi ang mga bulaklak.

Mga frontliners sa ospital at border checkpoint ang binigyan ng mga bulaklak bilang pasasalamat sa mga sakripisyo na kanilang ginagawa para sa komunidad. Ang ilan sa mga bulaklak ay ipinamahagi rin sa simbahan.

Sa ngayon, sarado ang farm sa mga turista at wala ring kita habang nasa general community quarantine na ang Iloilo. Pero nangako si Montero na mas pagagandahin pa ang mga bulaklak sa farm sa susunod na taon kung wala na ang COVID-19.

- ulat ni Jennifer Garcia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.