PatrolPH

Inang nanaga umano sa 3 anak sa Camarines Norte, sinampahan na ng reklamo

ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 03:44 PM

Inang nanaga umano sa 3 anak sa Camarines Norte, sinampahan na ng reklamo 1
Patay ang 3 bata na pinagtataga umano ng kanilang inang dumaranas raw ng post-partum depression, Miyerkoles ng umaga sa Basud, Camarines Norte, ayon sa pulisya. Sinaksak din umano ng ina ang sarili, at kasalukyang nagpapagaling sa isang ospital. Photo courtesy of Basud Municipal Police Station

Sinampahan na ng reklamo ang ina mula Basud, Camarines Norte na umano ay pumatay sa 3 menor de edad niyang anak matapos pagtatagain ang mga ito, sabi ngayong Huwebes ng pulisya.

Ang ama ng mga biktima ang nagsampa ng kasong multiple parricide laban sa kaniyang 28-anyos na misis sa prosecutor's office, sabi ng Basud police. Nauna nang sinabi ng pulisya na dumaranas ng post-partum depression ang ina.

Ayon sa imbestigasyon, walang forcible entry o ibang tao sa kanilang bahay nang pagtatagain umano ng ina ang mga anak nitong may edad 5 taong gulang, 1 taong gulang, at 4 na buwan.

Galing umano sa trabaho bilang construction worker ang ama nang madatnang duguan ang kaniyang mag-iina sa kanilang bahay umaga ng Miyerkoles.

Humingi ang mga awtoridad ng psychiatric evaluation mula sa Camarines Norte Provincial Hospital para matiyak kung dumaranas ng post-partum depression ang ina.

Nasa mabuting kondisyon na sa ospital ang ina matapos umanong saksakin ang sarili kasunod ng pananaga sa mga anak. Binabantayan din siya ng mga pulis.

Ang korte ang magpapasya kung ikukulong o gagamutin ang ina, ayon sa pulisya.

Nakaburol na ang bangkay ng mga bata at nakatakdang ilibing sa Sabado.

-- Ulat ni Rizza Mostar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.