Ilang OFWs na nakatengga sa quarantine facilities nababalisa na

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 08:12 PM | Updated as of May 21 2020 10:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Libo-libo pa rin ang bilang ng mga Pinoy seafarers at iba pang OFWs na nakatengga ngayon sa iba't ibang quarantine facilities.

Kabilang rito ang cruise ship waitress na si Vanessa Aguila, na isang buwan nang naghihintay sa isang hotel para sa resulta ng kaniyang COVID-19 test.

Mas lalong naging mabigat ang kaniyang paghihintay dahil sa natanggap niyang masamang balita mula sa pamilya.

"Tinawagan ako ng kapatid ko may lung cancer daw tatay ko," aniya.

Lalong tumindi ang kalungkutan ni Aguila lalo't siya ang inaasahan ng kaniyang tatay pagdating sa pagpapaospital.

"Depressed ako di ko alam paano matutulungan sila. Nasa sa akin 'yung health card. Paano na 'yung hospital niya?" ani Aguila.

Ayon sa psychologist na si Fr. Melchor Bernal ng St. Arnold Center, posibleng maranasan ang heightened anxiety o labis na pagkabalisa, lalo na sa sitwasyon ng mga OFWs at seafarers na nakatengga ngayon habang quarantine.

Bunsod ito ng nararamdamang takot dahil hindi nila alam kung ano ang mangyayari sa kanila ngayong may banta ng nakamamatay na sakit.

Kaya ang Magsaysay Maritime Corporation, isang manning agency para sa seafarers, nagpapadala na ng mga counselor sa mga seafarer na naka-quarantine.

Ang Philippine Coast Guard naman, naniniwala na ang pinakamainam na solusyon ay ang mabilisang aksyon para mapauwi na ang mga OFWs at seafarer.

"Minamadali natin at ginagawa natin ang lahat... Alam naman po natin ang makakagamot sa kanilang kalungkutan ay 'yung makauwi na sa kanilang pamilya na wala silang sakit," ani PCG spokesman Cdr. Armand Balilo.

Nasa 41 repatriated Filipino seafarers na ang nabigyan ng pahintulot ng coast guard na makauwi sa kanilang pamilya matapos ang kanilang mandatory quarantine period.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.