Ilang bayan sa Northern Samar na nasalanta ng Ambo hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 08:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa patuloy na pag-ikot ng ABS-CBN Sagip Kapamilya sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Ambo, narating ang barangay ng Palanas sa bayan ng Lapinig, Northern Samar.

Nabuhayan ng loob ang mga residente sa dumating na relief packs. Ang ilan sa kanila, habang nagpapasalamat, ay hindi maikubli ang mga luha dahil sa naranasang lupit ng bagyo.

"Nalulungkot ako sa mga nangyari sa amin dito, lahat ng gamit namin walang ligtas," anang residenteng si Gemma Tejero.

"Pasalamat lang po na tinulungan niyo kami," sabi naman ni Vilma Tolentino.

Marami ang nasirang tahanan sa barangay dahil sa storm surge na halos lagpas sa tao ang taas.

Sinisikap naman ng residenteng si Zoilo Tolentino na kumpunihin ang nawasak na bahay para may masilungan pa rin ang kaniyang pamilya.

"Na-shock muna ako tapos naisip ko na malaking trabaho na naman 'to. Nakakapagod na nga tapos ayan na naman," ani Tolentino.

Pilit ding isinasalba ng barangay health worker na si Amparo Tolentino ang kaniyang mga record na nabasa sa baha dala ng Ambo.

"Mawawala na ako sa record ng ano ko kaya magsisimula na naman ako ng survey," aniya.

Narating din ng Sagip Kapamilya ang Barangay Cadad-an sa bayan ng Gamay, Northern Samar.

Nasa halos 200 pamilya ang naabutan ng tulong na labis na naapektuhan ng pag-apaw ng ilog sa kanila.

"Gamay is one of the neglected towns here hindi kami napupuntahan, kaya iyong mga tao sa TV lang nakikita iyong mga tulong ninyo," ani Gamay Mayor Timoteo Capoquian Jr.

"We are very fortunate now na napuntahan niyo kami," dagdag niya.

Sa kabuuan, nasa 2,500 pamilya na ang naabot ng Sagip Kapamilya sa mga lalawigang labis na naapektuhan ng bagyong Ambo.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.