PatrolPH

Ex-tanod patay sa pamamaril sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 01:48 PM

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa loob ng kaniyang bahay sa Quezon City noong gabi ng Miyerkoles.

Sa ulat ng Batasan Police Station, kinilala ang biktima bilang si Arsenio Guzman Jr., dating barangay tanod at construction worker na taga-Barangay Holy Spirit.

Base sa salaysay ng kinakasama ng biktima, patulog na sila sa kuwarto ni Guzman nang bigla silang pinasok ng hindi bababa sa 4 na lalaki bandang alas-10 ng gabi.

Pinupuwersa umano ng mga suspek na palabasin ng bahay ang mga biktima at nang magpumiglas si Guzman ay pinagbabaril ito.

Ligtas naman ang kinakasama at anak ng biktima.

Nagtamo si Guzman ng tama ng bala sa ulo.

Hindi namukhaan ng mga kaanak ang mga salarin, na pawang mga nakasuot ng face mask.

Hindi bababa sa 4 na basyo ng bala ang nakalap ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.

Noong nakaraang buwan, inireklamo ang biktima sa barangay matapos umanong magnakaw ng gatas para sa anak.

Inaalam pa ng mga pulis ang motibo sa krimen.

-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.