'Debold' standard: Hindi pagsibak kay Sinas binatikos ng ilang mambabatas

ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 03:57 PM

MAYNILA — Binatikos ng ilang mambabatas ang umano'y "double standard" ni Pangulong Rodrigo Duterte nang hindi nito sibakin sa puwesto si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Debold Sinas sa kabila ng paglabag nito sa quarantine protocols.

Maaalalang binatikos si Sinas at sinampahan pa ng kaso matapos mag-viral ang birthday bash nito na idinaos sa gitna ng lockdown sa bansa. 

Sa mga retrato, kitang nagkumpulan ang mga tao at ang iba ay walang suot na face mask. 

Pero sa isang public address, ipinagtanggol ni Duterte si Sinas at sinabing hindi niya ito sisibakin sa puwesto.

"Itong kaso ni Sinas, General Sinas, sa National Capital Region commander, ako 'yung ayaw na malipat siya. He is a good officer. He's an honest one, and hindi niya kasalanan kung may mangharana sa kaniya sa birthday niya," ani Duterte noong Martes ng gabi. 

Sabi ng ilang mambabatas nitong Huwebes, isa itong kaso ng "double standard" o magkaibang pagpapataw ng parehong batas. 

"Nakakangitngit. Double standard ang pagpataw ng batas," ani ACT Teachers Party-list Rep. France Castro. 

"Kitang-kita dito 'yung 'debold standard' sa implementation ng ECQ protocols," ani Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas.

Nitong Huwebes ay nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na uusad pa rin ang imbestigasyon kay Sinas kahit hindi ito sinibak sa puwesto. 

"Tingin ko po, ang sinabi ni Presidente malinaw: sa ngayon po mananatili siya pero di po natin alam ang mangyayari sa mga susunod na araw dahil patuloy po ang proseso," ani Roque. 


—Mula sa ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.