Cavite governor umapela na payagan ang backride ng mag-asawa sa general quarantine

ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 12:03 PM | Updated as of May 22 2020 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nanawagan ang gobernador ng Cavite kay Health Secretary Francisco Duque na payagan ang mag-asawa na mag-backride o umangkas sa iisang motorsiklo, para mawala umano ang kalbaryo ng mga manggagawang nakasalalay lamang sa pampublikong transportasyon at sa paghahatid-sundo sa mga motorsiklo habang may general community quarantine sa ilang lugar.

 

"Naiintindihan ko po na ang polisiyang ito ay may basehan sa siyensiya. Mabilis ang pagkalat ng COVID-19, at tama lamang na ipagbawal ang malapitang dikitan sa panahon ngayon. Ang nais ko po sanang idulog ay mapayagan ang backriding sa mga mag-asawa at nagsasama," apela ni Gov. Johnvic Remulla sa isang Facebook post, Huwebes. 

Paliwanag ni Remulla, naghahati-hati naman daw ang mga mag-asawa sa iba't ibang aspeto gaya ng pagsasalo-salo ng pagkain, pati ang pagsasama sa iisang kotse. 

"Sila po ay natutulog sa isang kama, kumakain sa iisang mesa. Naghahati sa iisang mangkok ng kain at nagpapasa ng ulam nang naka-kamay. Kung hinahayaan po natin silang sumakay sa iisang motorsiklo, at sumakay sa de-aircon na kotse, bakit po hindi maaaring sumakay sa iisang motorisklo, bakit hindi sila puwedeng bumiyaheng magkasama?" 

Aabot sa 400,000 ang bilang ng mga motorsiklo na bumabaybay sa Cavite at karamihan sa mga gumagamit ay mga nasa middle-class at mga trabahador sa mga pabrika, ayon kay Remulla, na iginiit na "ito lang ang humahadlang" sa mga residente na magbalik-trabaho. 

Kasama ang Cavite sa mga probinsiyang isinailalim sa general community quarantine, kung saan pinapayagan ang pag-arangkada ng pampublikong transportasyon sa kondisyon na sumunod sila sa physical distancing protocols upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Pero ayon kay Remulla, nag-aalangan pang bumiyahe ang ilang jeep at bus ngayong may physical distancing, nangangamba sila sa kanilang kalusugan at nalulugi umano sila sa pamamasada. 

Idagdag pa aniya ang napatigil na shuttle services sa ilang kompanya ngayong pinapayagan ang public transportation sa ilalim ng general quarantine. 

Inirerekomenda ni Remulla na bigyan ng mga lokal na pamahalaan ng "couple's pass" ang mga papayagang mag-backride, sakaling aprubahan ito ng gobyerno. 

"Ang lokal na pamahalaan ay maaari pong magbigay ng couples pass para sa mga mag-asawa at maaari nila itong patotohanan sa mga checkpoint gamit ang marriage contract," ani Remulla. 

Umapela si Remulla na ikonsidera ng gobyerno ang polisiya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.