Bank on Wheels ng PNB, umikot sa Batangas

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 04:43 PM

Nag-ikot sa mga bayan sa lalawigan ng Batangas ang Bank on Wheels ng Philippine National Bank. Larawan mula sa PNB

Inilunsad ng Philippine National Bank (PNB) ang kauna-unahang "Bank on Wheels" sa Batangas, isang roving ATM na mag-iikot sa mga bayan sa lalawigan para mas mapadali ang pagwi-withdraw ng pera ng mga tao roon.

Ito'y sa gitna ng patuloy na restrictions dahil sa community quarantine sa harap ng krisis sa COVID-19. Nasa ilalim ng general community quarantine ang Batangas hanggang Mayo 31.

"Mismong kaming taga-bangko ang napunta sa bayan-bayan para makapag-withdraw ang ating mga tao sa bawat bayan kasi alam po natin ngayong pandemic hindi po makalabas ang ating mga kababayan kaya kami ang lumalapit sa kanila,” pahayag ni Jeorge Romeo Rosal, cash representative ng bangko.

Masaya si Rino Cabral sa programa ng PNB.

Nakumpleto na ng 47-anyos na si Cabral ang chemotherapy dahil sa sakit na colon cancer at umiinom na lamang ng gamot.

Malaking tulong ang perang padala ng kapatid na overseas Filipino worker sa kaniyang tuloy-tuloy na paggaling. Pero malaking hamon ang pagkubra ng padalang pera ngayong may community quarantine dahil sa COVID-19.

"Maganda para madali ang pag-withdraw," sabi niya.
 
Mula sa tirahan niya sa Barangay Tangob, Padre Garcia sa Batangas, kalahating oras siyang bumibiyahe para makapag-withdraw sa bangko sa bayan ng Rosario.

"Malayo 'pag pupunta pa ng Rosario, minsan ang dami pa ng checkpoint bago pa makapunta roon. Dapat talaga nilalapit na ganyan," dagdag ni Cabral.

Tiniyak ng pamunuan ng bangko na mahigpit nitong ipatutupad ang inirekomendang minumum health standard tulad ng pagkakaroong ng physical distancing, pagsusuot ng face mask at paggamit ng alcohol ng mga kostumer.

"Mayroon po kaming alcohol d'yan 'pag may nag-withdraw. Lagi namin nililinis at disinfect, mayroon din pong security at mayroong guard at social distancing," sabi ni Rosal.

Nakapag-ikot na rin ang bank on wheels sa mga bayan ng San Jose, San Pascual, Ibaan, Malvar at Alitagtag.

Biyernes ay nasa munisipyo ito ng Mataas na Kahoy at babalik sa bayan ng Ibaan sa Sabado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.