PatrolPH

2 teenager nalunod, 7 naligtas nang tangayin ng ilog sa Calamba City

ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 12:23 PM

2 teenager nalunod, 7 naligtas nang tangayin ng ilog sa Calamba City 1
May edad 16 at 17 anyos ang dalawang biktima, na nahanap sa pamamagitan ng search operation na ikinasa ng mga awtoridad mula Martes hanggang Miyerkoles. BFP Calamba City

Patay ang dalawang teenager, habang nakaligtas ang 7 nilang kasamahan nang tangayin ng malakas na agos ng tubig habang naliligo sa ilog sa Barangay Kay-Anlog sa Calamba City, Laguna. 

May edad 16 at 17 anyos ang dalawang biktima, na pawang mga babae; nasa edad 16 hanggang 19 anyos ang mga naligo sa ilog nang mangyari ang insidente, ayon sa mga awtoridad. 

Nahanap sa pamamagitan ng search operation na ikinasa ng mga awtoridad ang mga biktima Miyerkoles hanggang Huwebes sa magkakahiwalay na lugar sa Barangay San Juan. 

Ayon kay Barangay Chairman Nestor Mendoza, patakas na lumusot ang mga kabataan sa tubuhan para maiwasan ang quarantine checkpoints sa lugar, bago makarating sa ilog. 

"'Yan po ay patakas na nagpunta sa ilog at ang sabi nila ay nung uulan, ay maliligo sa ulan. Ngayon, hindi natuloy na umulan nagpuntahan sila sa ilog, 'yang ilog na iyan na kanilang pinuntahan ay 'yan ay ipinagbabawal naming puntahan lalo pa ng ganyang mga kabataan, dahil iyan po ay may kalaliman. Malalim po 'yan at mahirap lumusong sa ilog na iyan,” ani Mendoza sa panayam gabi ng Miyerkoles. 

Naka-modified enhanced community quarantine ang Laguna. 

Kuwento ng isa sa mga nakaligtas, bigla na lamang lumakas ang agos ng tubig sa ilog habang naliligo sila. 

"Pagbaba pa lang po namin doon ok pa po, mga 5 minutes po tiningnan po namin kung malalim po ang tubig, biglang lumakas ang agos ng tubig. Doon na po kami nataranta," ayon sa nakaligtas. 

Dito na nila napagtanto na nawawala ang dalawa sa kanilang mga kasamahan. 

"Hinanap ko po s'ya ng daan paakyat pinatawag ko na po ng tulong, dumating naman po agad ang rescue," ayon sa isa sa mga nakaligtas. 

Unang nahanap ang bangkay ng 17 anyos, madaling araw ng Miyerkoles. Umaga ng Huwebes nang matagpuan ang bangkay ng 16 anyos.

Kwento ng nanay ng isa sa namatay, nagpaalam lang na makikipagkita sa mga kaibigan ang anak.

"Sabi niya lang po sa akin pupunta daw po sya sa block 13, kasi pupunta raw po niya ang mga kaibigan niya. Wala naman pong ibang sinabi sa akin pupunta daw sya mag-boodle fight," aniya. 

Malaking aral daw ang ibinigay nito sa isang nakaligtas.

"Sana bago tayo gumala, magpaalam tayo sa mga magulang natin para alam nila saan tayo pumunta baka kung ano mangyari sa atin," aniya.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.

-- Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.