Suspek sa pagpatay sa mag-ina sa Nueva Ecija sumuko na

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 06:53 PM | Updated as of May 21 2019 06:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sumuko sa Highway Patrol Group ng National Capital Region (NCR) noong Lunes ang pangunahing suspek sa pagpatay sa mag-ina sa Nueva Ecija. 

Pinangalanang suspek si Edmyr Balimbin sa pagpaslang sa mag-inang sina Gina at Jenny Garcia noong Abril 17 sa San Jose, Nueva Ecija. 

Nasugatan naman sa insidente ang hipag ni Balimbin na si Karen Rosete. 

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, dumating sa bahay ng mga biktima si Balimbin at hinanap kay Rosete ang kaniyang 9 anyos na anak na lalaki. 

Nang malamang wala sa pamamahay ang kaniyang anak, inundayan na raw umano ni Balimbin ng saksak si Rosete. 

Nang marinig ang kaguluhan sa salas ng bahay, bumaba ang mag-inang Garcia, at saka rin daw ito sinaksak ni Balimbin. 

Nagkunwaring patay si Rosete kaya siya nakaligtas.

Ayon sa suspek, nagdilim lang ang kaniyang paningin nang mangyari ang insidente. 

Matapos ang krimen, nagtago raw ang suspek sa Maynila at kinalauna'y pumunta ng Ilocos Sur. 

Mananatili si Balimbin sa kustodiya ng HPG habang wala pang utos ang korte.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.