Pulis kasama sa 2 huli sa panggulpi sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 11:53 AM

Isang pulis at kaniyang kasamahan ang naaresto noong Lunes sa Quezon City dahil sa umano'y panggugulpi sa 2 taong nakaalitan nila.

Kinilala ni Police Brig. Gen. Joselito Esquivel, hepe ng Quezon City Police District, ang mga suspek bilang sina Police Corporal Omar Lopez, 31 at nakadestino sa Northern Police District, at Ajan Tigas, 19.

Sakay ng motorsiklo ang 2 biktima alas-3 ng madaling araw nang daanan nila ang kinaroroonan ng mga suspek sa Barangay Bagbag, Novaliches, ayon sa ulat ng QCPD.

Pinagsalitaan ng mga biktima ang mga suspek ng hindi maganda kaya hinabol sila ng mga ito at ginulpi, ayon sa ulat.

Dinulog sa pulisya ng mga biktima ang insidente kaya naaresto ang mga suspek.

Kinasuhan ang mga suspek ng physical injury sa Quezon City Prosecutor’s Office. 

— Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.