Proklamasyon ng mga panalong senador, party-list muling naantala

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 05:04 PM | Updated as of May 21 2019 06:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinagpaliban ng Commission on Elections (Commission on Elections) ang proklamasyon ng mga nanalong senador at party-list groups na gagawin sana nitong Martes ng gabi. 

Unang itinakda noong Linggo, Mayo 19, ang pagproklama sa mga nanalong senador at party-list pero inurong ito ng Martes dahil hindi pa tapos ang pagka-canvass ng Board of Canvassers sa mga boto. 

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, hindi pa naita-transmit ang Certificates of Canvass (CoC) mula sa Washington DC sa Estados Unidos, na nag-iisa na lang na inaantay para makompleto ang 167 CoC. 

Paliwanag ni Jimenez, kailangang hintayin ang mga boto mula Washington DC dahil nasa 228,472 ang registered voters doon na posibleng magpabago sa ranking ng mga nanalong senador.

"In order to make sure na wala nang movement sa ranking ng elected officials natin we need to get that squared away so not today," ani Jimenez sa isang press briefing. 

Bukod dito, nakasalalay aniya sa bilang ng mga makukuhang boto ang bilang ng mapapasamang party-list sa Kamara sa susunod na Kongreso. 

Alas-12 naman ng tanghali nitong Martes ay na-canvass na ang boto mula Saudi Arabia, kung saan may 326,620 registered voters. 

Narito ang mga nasa top 14 ng senatorial race base sa huling partial, official tally o 166 sa 167 COCs:

1. Cynthia Villar – 25,236,113
2. Grace Poe – 21,992,732
3. Bong Go – 20,604,044
4. Pia Cayetano – 19,741,252
5. Bato dela Rosa – 18,947,086
6. Sonny Angara – 18,124,619
7. Lito Lapid – 116,945,882 
8. Imee Marcos – 115,833,599
9. Francis Tolentino – 15,464,750
10. Koko Pimentel – 14,629,785
11. Bong Revilla - 14,613,432
12. Nancy Binay – 14,490,515
13. JV Ejercito – 14,290,558
14. Bam Aquino – 14,122,900

Nitong gabi ng Martes malalaman ang pinal na schedule ng proklamasyon.

--Ulat nina Robert Mano at RG Cruz, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.