Magsasaka, patay nang mabangga ng motor ang minamanehong tricycle

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 01:49 AM

Patay ang isang magsasaka matapos mabangga ng motor ang minamanehong tricycle sa bayan ng Dingras sa Ilocos Norte Linggo ng madaling araw.

Maagang bumiyahe ang mag-asawang Charito at Nema Fabro para magtinda sana ng mga biik sa bayan ng Bacarra. 

Pero nang makarating sila sa harap ng munisipyo ng Dingras, dito na sila binangga ng nakamotorsiklong si Jesny Boy Merlas.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis ang takbo ng motor. Nakainom rin umano ng alak ang drayber kaya nangyari ang aksidente.

Dinala sa ospital ang mga biktima pero namatay habang ginagamot ang drayber ng tricycle na si Charito.

Ayon kay Nema, ang kaniyang mga anak ang magdedesisyon kung magsasampa sila ng pormal na reklamo laban kay Merlas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.