Magsasaka, ibinida ang kaniyang higanteng kalabasa

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 07:49 PM

Isang magsasaka mula sa bayan ng Pasuquin, Ilocos Norte ang nakapagpatubo ng higanteng kalabasa.

Ayon kay Erwin Dugay, napulot lamang niya ang buto ng kalabasa sa kanilang bukid sa bayan ng Burgos.

Ikinagulat niya nang namunga ito ng malalaking kalabasa. Ang pinakamalaki sa mga bunga ng kaniyang tanim, may bigat na 27 kilos at may lapad na 60 pulgada.

Itinuturing itong biyaya ni Dugay sa kaniyang pamilya.

Isinali niya ang kalabasa sa isang agri contest, kung saan itinanghal ito bilang pinakamalaking kalabasa.

Isasali ulit umano niya ito sa isa pang patimpalak sa susunod na linggo.

Ayon sa chairman ng Barangay Davila, maganda kung ipapakita ni Dugay sa agriculture office ng bayan ang buto ng kalabasa para mapadami ang ganitong klase ng kalabasa. Makakatulong rin umano ito sa mga kapwa niya magsasaka.

Magpapadala naman ang Provincial Agriculture Office ng susuri sa tinaguriang higanteng kalabasa.

"Katulad ng anong klaseng buto ang naitanim o kaya ay anong variety, saan nanggaling. Pangalawa, saan niya itinanim, anong klaseng lupa?" paliwanag ni Norma Lagmay, provincial agriculturist ng Ilocos Norte.

Maaari rin umanong naitanim ito sa matabang lupa.

"Kung umuulan kasi at nagkakaroon ng kaunting pag-move 'yung soil, mayroon konting flooding, nagdedeposit ang mga organic matter," paliwanag ni Lagmay.

Dagdag pa niya, may mga ganitong kalaking kalabasa sa ibang bansa.

Kasalukuyang nasa bahay ni Dugay ang higanteng kalabasa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.