'Lider ng crime group' patay sa buy-bust

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 07:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napatay ang hinihinalang lider ng isang sindikato matapos makipagbarilan sa mga pulis sa buy-bust operation sa Antipolo City, sabi ng pulisya nitong Martes. 

Kinilala ni Police Col. Villaflor Bannawagan, hepe ng Antipolo police, ang nasawi bilang si Marlon Deinla, lider umano ng Lego group, isang notoryus na criminal group na nasa likod ng pagnanakaw, panghoholdap, at pagbebenta ng ilegal na droga sa lugar.

Nakaramdam daw si Deinla na pulis ang binentahan niya ng droga noong Sabado sa kaniyang bahay sa Barangay Dela Paz kaya pinaputukan niya ito ng baril, dahilan para gumanti ng putok ang mga awtoridad.

Naaresto naman ang isang sinasabing miyembro ng grupo.

Nasa 30 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P40,000 ang nakumpiska sa 2 suspek.

Narekober din ang kalibre .38 baril na ginamit ni Deinla sa engkuwentro.

Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa ibang miyembro ng nasabing sindikato.

Humalili si Deinla kay Benedick Lego nang maaresto ito, sabi ng pulisya.

Napatay noong Abril ang isang pulis-Antipolo sa isang police operation laban sa mga miyembro ng Lego group.

--Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.