Lalaki patay matapos tagain ng ama habang natutulog

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 01:36 AM

SIPALAY CITY, Negros Occidental - Patay ang isang lalaki matapos tagain ng sariling ama habang natutulog Lunes ng umaga.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, lasing ang biktimang si Art Gavillanes, 20 anyos, nang umuwi ito sa kanilang bahay sa Barangay Canturay sa Sipalay City Linggo ng gabi.

Nagwala ito at nahirapan umano ang inang maysakit na awatin ito.

Ayon pa sa pulisya, itinago lamang ng ama ang sama ng loob sa kaniyang anak nang mga panahong iyon.

Ngunit kinaumagahan, habang natutulog ang anak ay ilang beses umano itong tinaga ng ama hanggang mamatay.

Lunes na ng hapon nang makita ang bangkay ng biktima sa loob ng kaniyang kuwarto.

Agad namang sumuko sa pulisya ang ama ng biktima.

Ayon kay Police Major John Batusbatusan, hepe ng Sipalay Police, hindi pa nagsasampa ng kaso ang pamilya ng biktima.

Maaari umano itong pakawalan matapos ang 36 oras kung wala pang magsampa ng kaso laban sa kaniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.