'FDA may mga labis na gastos sa ilalim ng sinibak na pinuno'

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa pag-upo ni Health Undersecretary Eric Domingo sa Food and Drug Administration, isa sa mga nakita niya sa Commission on Audit (COA) reports ang umano ay labis na paggasta ng ahensiya sa ilalim ng sinibak na director general na si Nela Charade Puno.

Si Domingo ang nagsisilbing officer-in-charge ng FDA habang wala pang napipiling bagong director general.

Hindi muna idinetalye ni Domingo ang laman ng COA report at observation memo.

Ipapasa ng Department of Health sa Presidential Anti-Corruption Commission ang mga dokumentong makukuha sa FDA.

"Mayroon silang mga fina-flag lang na medyo excessive expenses," ani Domingo.

Inanunsiyo noong Huwebes ng Palasyo ang pagkakasibak kay Puno dahil sa umano ay katiwalian.

Sa panayam ng ABS-CBN News Channel nitong umaga ng Lunes kay Puno, tinawag niyang atake sa kaniyang pagkatao ang mga bintang ng katiwalian.

"If they wanted me out, they could have just talked to me because this is a clear attack of my character," ani Puno.

Ayon kay Puno, mismong si Domingo ang lumapit sa kaniya para sabihing mag-resign siya.

"He told me that I needed to resign... Of course, I was shocked," ani Puno.

"He [Domingo] said, 'You need to resign because you will not like what may happen to you if you don't resign,'" dagdag ni Puno.

Itinanggi ito ni Domingo at sinabing ginusto talaga ni Health Secretary Francisco Duque na masabihan si Puno para hindi naman magulat.

"I came in personally to tell her that she would be relieved the next day... baka naman na-misinterpret niya dahil I have absolutely no authority naman to make any decision," ani Domingo.

Sa 2 taong pamumuno niya sa FDA, sinabi ni Puno na marami silang nakabangga.

"We have brought down a lot of big people, big names," aniya.

"When you shake the status quo, these things come out," dagdag niya.

Mula sa 60,000 backlog ng paglalabas ng permit ng FDA, naibaba umano nila ito sa 8,000.

Pero ayon kay Domingo, hindi ito ang mga numerong kaniyang nakita.

"Sa drugs, I think the backlog is about 12,000 to 14,000, parang sa food, mga 2,000," ani Domingo.

Prayoridad ngayon ni Domingo na matiyak na hindi maantala ang operasyon ng FDA lalo at pansamantalang nagugulo ang kanilang liderato.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.