Dating Ombudsman Carpio Morales hinarang sa Hong Kong airport

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 05:00 PM | Updated as of May 21 2019 07:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Hinarang si dating Ombudsman Conchita Carpio Morales ng immigration authorities sa Hong Kong International Airport.

Lumipad papuntang Hong Kong si Morales kasama ang kaniyang asawa, anak, at mga apo para magbakasyon pero hindi siya pinayagang makapasok sa special administrative region ng China, sabi ni Carpio Morales ngayong Martes sa ABS-CBN News.

Ayon kay Carpio Morales, walang sinabing dahilan ang mga awtoridad ng Hong Kong sa pagharang sa kaniya. 

Sa panayam ng DZMM kay Germinia Aguilar-Usudan, deputy consular general ng Philippines Consulate in Hong Kong, sinabi niyang pinayagang makapasok si Morales sa teritoryo alas-3:18 ng hapon pero nagdesisyon na itong umuwi na lang.

Nakatakdang lumipad pabalik ng Pilipinas si Morales kasama ang kaniyang pamilya alas-6 Martes ng gabi, ayon kay Usudan.

Sinabi naman ni presidential spokesperson Salvador Panelo na batid na ng Department of Foreign Affairs ang nangyari at magbibigay din umano ng tulong ang kagawaran sa dating ombudsman at kaniyang pamilya.

Magugunitang si Carpio Morales, kasama si dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario, ang naghain ng komunikasyon sa International Criminal Court kaugnay ng umano ay pangha-harass ng China sa mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea.

Sa isa namang text message ng abogado ni Carpio Morales na si Anne Marie Corominas, ikinatuwiran daw ng Hong Kong Immigration na "security threat" o banta sa seguridad si Carpio Morales.

"How is a 78-year old former anti-corruption Ombudswoman a security threat in HK-China?" sabi ni Corominas.

-- May ulat nina Lynda Jumilla at Henry Omaga-Diaz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.