ALAMIN: Parusa sa mga sisira ng perang papel o barya

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 12:30 PM | Updated as of May 21 2019 12:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May parusang naghihintay sa mga taong sisira ng pera ng Pilipinas - maging papel man o barya, ayon sa isang abogado nitong Lunes.
 
Ipinagbabawal sa Presidential Decree 247 ang sadyang pagsira ng pera gaya ng sa pamamagitan ng pagsusunog, o pagsusulat sa salapi, at ang paglulublob nito sa ano mang uri ng kemikal, ayon kay Atty. Noel Del Prado. 

"Bawal sunugin o ilublob sa kemikal o ano mang uri ng paninira o sinadyang paninira - mapa-pera iyan o coins man iyan," ani Del Prado sa "Usapang de Campanilla" ng DZMM. 

Pinaparusahan din sa nasabing batas ang pagtutunaw ng mga barya - na gawa sa pilak o tanso - para gawing alahas. 

"May halaga iyong metal na iyon. Silver 'yan, tanso o copper. Pero dapat alam din nila na maaari silang makulong at pagmultahin," ani Del Prado. 

Kung may punit, nasulatan, nadumihan, at nabasa ang natanggap na salapi ay maaari itong palitan sa Bangko Sentral ng Pilipinas. 

Ang nahatulan ng paglabag sa Presidential Decree 247 ay nahaharap sa multang P20,000 at pagkakulong nang hindi lalagpas sa 5 taon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.