4 tiklo sa pagbebenta ng ‘shabu’

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 10:29 AM

Nahuli sa buy-bust operation ang grupo ng apat na magkakaibigan sa San Nicolas sa Ilocos Norte. Larawan mula sa San Nicolas Police

SAN NICOLAS, Ilocos Norte – Arestado ang apat na magkakaibigan sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay 14, Biyernes ng madaling araw.

Nakuha sa 2 suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu at isang sachet ng marijuana.

“Matagal na naming mino-monitor ang mga ito, mga 2 to 3 months na,” sabi ni Police Lieutenant Eddie Valdez, deputy chief ng San Nicolas Police Station.

Kuwento ng isa sa apat na suspek, pauwi na sila sakay ng motorsiklo nang kornerin ng mga nakasibilyang pulis.

Itinanggi rin nilang sa kanila ang nakuhang ilegal na droga.

Nahaharap ang grupo sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.