Tindera sa burger stall, sugatan matapos holdapin

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at May 21 2018 12:40 AM

DAVAO CITY -- Sugatan ang 33 taong gulang na tindera sa isang burger stall sa Davao City matapos pagsasaksakin ng lalaking nangholdap sa kaniya Sabado ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Michelle Tagbo. Base sa imbestigasyon, agad pinasok ng holdaper ang tindahan at nagdeklara ng holdap, pero pinagsasaksak pa rin ng holdaper si Tagbo kahit ibinigay na niya ang pera.

Nakilala ang holdaper na si March Palmero, 18 anyos na taga Km. 12, Barangay Catalunan Pequenio, Davao City na agad tumakas at tinangay ang perang nagkakahalaga ng P7,000 matapos ang insidente, habang nadakip naman sa hot pursuit operation ang kaniyang lookout umano na si Balong Caballero, 18 anyos.

"Through sa witness, na-identify ang suspek unya sa hot pursuit ang nagserve as look out nadakpan... actually katong orasa alas singko sa kaadlawon wala pay mga tao natripan sa mga tambay," ani Senior Inspector Victor Maquindang, deputy station commander ng Talomo Police.

(Through sa witness na-identify ang suspek tapos sa hot pursuit ang nag-serve as lookout ay naaresto... Actually 'yung mga oras na iyon, alas-singko ng madaling araw, wala pang tao sa lugar na-tripan siya ng mga tambay.)

Giit naman ni Caballero, nadamay lang siya sa insidente. Aniya, hindi niya alam na manghoholdap si Palmero dahil pinababantay lang siya sa motor.

"Gitawag ko nya long sabay ta long, asa man ta sa burgeran ikaw bantay sa motor," ani Caballero.

(Tinawag niya ako, sabi niya sabay ta long, saan sa may burgeran, ikaw magbantay sa motor.)

Aminado naman ang ama ni Caballero na labas-pasok na ang kaniyang anak sa presinto dahil sa pagsama sa mga riot.

"Nakasala man sya wala tay mahimo, mao man ang balaod, sala nya na serbisyohan na nya mapriso sya pila ka tuig bahala na sya," ani Silidonio Caballero.

(May sala siya wala tayong magawa. 'Yun ang batas, kasalanan niya pagseserbisyohan niya iyan, makulong siya ilang taon, bahala na siya.)

Nakuha ng pulisya ang kutsilyo na ginamit sa pananaksak at ang pares ng tsinelas ni Palmero.

Nahaharap sa kasong robbery at frustrated murder ang dalawang suspek.

Patuloy namang ginagamot sa ospital ang biktima na si Tagbo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.