Marawi, di pa tuluyang ligtas sa mga bomba

ABS-CBN News

Posted at May 21 2018 11:15 PM

• 28 di sumabog na bomba, hinahanap pa rin isang taon mula nang mangyari ang bakbakan 
• Maute 'ipinagpapatuloy ang recruitment'
• Nakatakas na isa pang lider ng Maute, 'pasimuno sa terorismo'

Watch more in iWant or TFC.tv

Gugunitain sa Miyerkoles, Mayo 23, ang unang taon ng Marawi siege o ang pagsiklab ng bakbakan sa Marawi na tumagal ng limang buwan.

Lumipas man ang isang taon, hindi pa rin tuluyang naki-clear sa mga pasabog ang lugar.

Hanggang ngayon, may mga nakukuha pa ring pasabog sa Marawi.

Pinapasabog ng mga sundalong nangunguna sa improvised explosive device (IED) clearing operations ang mga nakukuhang unexploded ordnance.

Ayon sa militar, halos 4,000 unexploded ordnance na ang narekober mula nang mangyari ang Marawi siege.

Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi pa maaaring bumalik sa kanilang mga tirahan ang mga "bakwit" o ang mga residenteng nagsilikas sa kasagsagan ng bakbakan sa Marawi.

Malaki rin ang peligrong hinaharap ng mga naghahanap ng malalaking bomba na hindi sumabog.

Tulad sa isang bahay na kita ang butas na dinaanan ng bumagsak na bomba pero kahit malalim na ang hinuhukay, wala pa ring nakukuhang pasabog.

Mabagal ang bawat kilos ng heavy equipment para matiyak na agad silang titigil kung may matisod na bomba.

Ayon sa militar, sa karanasan nila'y mabilis na ang apat na araw bago makita ang bombang di sumabog at bumaon sa ganoong klase ng hukay.

Mayroon ding butas na naiwan ng di sumabog na bomba pero di pa nasisimulang hukayin.

Ang ilang hukay naman ay di dahil sa bumagsak na bomba kundi dahil ginawa iyong lungga ng mga terorista para hindi makita ng mga sundalo. 

"Ito 'yong tunnel na ginawa ng mga kalaban natin. So posibleng ginamit itong lagusan since hindi sila lantarang nakalabas sa kalsada so gumagawa sila ng network sa ilalim," ani Capt. Julester Cañada, Joint Force Builders operations officer.

Kasalukuyang 28 unexploded ordnance ang hindi pa matunton kung saan bumagsak.

ISIS 'RECRUITMENT'

Watch more in iWant or TFC.tv

Tuloy pa rin ang recruitment ng mga nalalabing miyembro ng Maute-ISIS group sa mga bayan sa Lanao Del Sur, ayon sa militar at sa lokal na pamahalaan.

Paliwanag ni Lanao Del Sur 2nd District Rep. Mauyag Papandayan, patuloy pa rin ang recruitment ng mga nalalabing miyembro ng Maute group sa kaniyang bayan ng Tubaran. 

Inaalok umano ng pera ang mga tao para sumama sa Maute.

"'Yong mga tao actually, ayaw na sa kanila. Pero may mga mangilan-ngilan na inaalok ng pera, sa hirap ng buhay ngayon 'pag inalok ka ng pera, masisilaw ka talaga. Kumakapit sila sa patalim," ani Papandayan.

Ayon sa militar, pinamumunuan daw ang recruitment ni Abu Dar na isa sa mga lider sa likod ng Marawi siege na nakatakas noong kasagsagan ng bakbakan.

Si alyas Abu Dar ay Maranao na tubong Pagayawan, Lanao Del Sur.

Kasama si Abu Dar sa mga nakuhanan sa video na nagpaplano ng pag-atake sa Marawi kasama sina Omar at Abdullah Maute at Abu Sayaff leader na si Isnilon Hapilon.

Siya raw ang courier ng pera at nakapagpuslit ng pangpondo ng grupo palabas ng Marawi noong digmaan.

Si Abu Dar ang umano'y tumatayong emir o lider ng ISIS sa southeast Asia kapalit ng napatay na si Hapilon.

Dagdag pa ni Colonel Romeo Brawner ng Joint Task Force Ranao, patuloy ang kanilang monitoring sa recruitment lalo't hindi naman umano inabandona ng Maute-ISIS ang utos sa kanila na lumikha ng caliphate sa timog-silangang Asya, partikular sa Pilipinas.
 
Ayon sa militar, tuloy ang mga operasyon nila para matunton si Abu Dar.

Wanted siya para sa kasong rebelyon na may P3 milyong pabuya kapag nahuli.

"We are doing security operation para mahuli natin siya or kinukumbinsi rin natin na mag-surrender na lang siya," ani Brawner.

Noong isang taon, bago sumiklab ang digmaan sa Marawi, nag-recruit ng mga sasanib sa kanila ang Maute sa kalapit na bayan ng Piagapo sa Lanao Del Sur.

Sampu sa kamag-anak ni Sarifa Diso ang nakumbinsing sumama kahit na ano pang tutol ang ginawa ng kanilang pamilya.

Matapos ang giyera, walang nakauwi ni isa sa kanila.

"Kahit ano'ng mangyari, kamag-anak mo pa rin 'yon... masakit sa kalooban, pero ano'ng magagawa namin?" ani Diso.

Kaya ngayon, nangagamba ang mga tulad ni Sarifa na maulit ang trahedya.

Maging leksiyon na raw sana ang sinapit ng Marawi.

Tuloy naman ang mga programa ng militar at lokal na pamahalaan katuwang ang iba't ibang civil organizations at religious groups para isulong ang edukasyon sa Lanao Del Sur tungkol sa tunay na kahulugan ng Islam para makontra ang recruitment ng grupo.

-- Ulat nina Jorge Cariño, Jeff Canoy, at Oman Bañez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.