Koko Pimentel nagbitiw; Tito Sotto bagong Senate president

ABS-CBN News

Posted at May 21 2018 11:27 PM

Bumaba sa puwesto bilang Senate president si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III upang magbigay daan kay Sen. Vicente "Tito" Sotto III bilang bagong pinuno ng Senado.

Inanunsiyo ni Pimentel nitong Lunes ang kaniyang pagbibitiw kasunod ng pagpirma ng 15 miyembro ng mayorya ng Senado na nagpapahayag ng kagustuhan nilang maluklok si Sotto bilang kanilang bagong lider.

"It has been an honor and privilege for me to serve the Senate as its president...I step down knowing that I tried my best to do this," ani Pimentel.

Personal naman na inendorso ni Pimentel si Sotto para pumalit sa kaniya.

"I believe in this good man...the senator deserves the post," ani Pimentel.

Agad ding nanumpa si Sotto matapos pagtibayin ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang kaniyang nominasyon.

Sinagot naman ni Pimentel ang pahayag ng mga kasama sa mayorya na mahina umano ang liderato niya.

Aniya, iba't iba raw ang personalidad nila sa Senado kaya't may mga pagkakataon umano na hindi nasisiyahan ang ilan sa mga ito.

"Matter of style 'yon. It's a matter of style, we have a personality, ganito personality ko," dagdag ni Pimentel.

Sa kaniyang pagbaba sa puwesto, mas pokus na raw ngayon si Pimentel bilang pinuno ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Pinaghahandaan na rin niya ang pag-iisang dibdib nila ng nobyang si Kathryn Yu.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.