DOTr exec, sinibak sa 'pagkausap sa kaanak' ng pangulo

ABS-CBN News

Posted at May 21 2018 10:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinibak ng Malacañang nitong Lunes ang isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) dahil sa umano'y "pagkausap sa kaanak" ng pangulo.

Inalis ni Pangulong Rodrigo Duterte si Mark Tolentino bilang DOTr supervising assistant secretary ng Mindanao railway project kasunod ng press conference ni Tolentino noong Biyernes, Mayo 18, kung kailan sinabi niyang may basbas ng unang pamilya ang kaniyang pahayag.

"I asked the support of one of the first family. Tinanong ko 'ma'am, sir, ituloy ko ba ito? Kung sabihin niyong hindi, hindi ko ituloy,' sabi niya, 'go,'" ani Tolentino noong Mayo 18. 
    
"Ang order po ng presidente sa lahat ng taong gobyerno: Huwag niyo pong kakausapin ang kahit sinong kamag-anak niya na mayroong gustong kahit anong kontrata or appointment sa gobyerno. Kapag kinausap niyo po ang kahit sinong kamag-anak ng presidente, basehan na po 'yan para kayo ay sibakin. Itong pagsibak kay Asec. Mark Tolentino, magsilbing halimbawa po," sabi ni presidential spokesperson Harry Roque nitong Lunes.

Noong Biyernes, iginiit ni Tolento na may nakalaang pondo naman sa Mindanao railway project mula sa General Appropriations Act .

Gayunman, kinuwestiyon ni Tolentino kung bakit kailangan pang umutang ng gobyerno mula sa ibang bansa na may mataas na interest rates.

"May mga tao po dito sa DOTr na gusto nila utangin ang Mindanao railway [project], buong Mindanao i-loan," ani Tolentino noong press conference.

Tinawag na "unauthorized" o di awtorisado ng DOTr ang ipinatawag na press con.

Ilang beses ding nagpadala ng statement ang DOTr na kinokondena ang pagdawit ni Tolentino sa first family na binigyan siya ng permiso para magsalita tungkol sa proyekto.

Malinaw rin daw na sinuway niya ang utos ng nakatataas sa kaniya na ipagpaliban muna ang press con.

"Dahil nga ayaw nating ma-preempt. Sabi ko let's give deference to our principals in the ongoing discussions. So hindi pa rin siya [Tolentino] pumayag," ani Timothy John Batan, DOTr railways undersecretary.

Nilinaw ni Batan na walang anomalya sa Mindanao railway project.

"Hindi po posibleng magkaroon ng maanomalyang transaction kasi wala pang transaction, we are still designing the system, we are actually still finalizing our funding strategy," ani Batan.
    
Paliwanag ni Batan, hindi sapat ang naaprubahang pondo para mabuo ang 1,500 kilometers na railways.

Kaya naghahanap ng paraan ang ahensiya kasama ang iba pang economic managers kung saan huhugot ng pondo.

"Dahil sa laki niyan [project], na-earmark na earlier on na we're going to ask for ODA assistance and ang nag-express ng intention to assist us for the entire Mindanao railway project is our partners from China," ani Batan.

Sa pahayag na ipinadala ni Tolentino sa ABS-CBN, sinabi niyang nirerespeto niya ang desisyon ng pangulo. 

Patuloy rin daw niyang susuportahan ang pangulo.

"I am serving at the pleasure of the president. Whatever is his decision I will respect it. But will continue to support him and to continue to fight against corruption and to protect interest of Mindanao and its people," pahayag ni Tolentino.

Disyembre 2017 nang italaga ng pangulo si Tolentino sa puwesto.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.