TINGNAN: Sunfish nahuli sa Puerto Princesa

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 06:30 PM

Nahuli ng mga mangingisda sa Barangay Sta. Lourdes, Puerto Princesa ang isang sunfish.

PUERTO PRINCESA CITY - Isang sunfish o mola-mola ang nakuha ng isang mangingisda sa dagat na nasasakupan ng Barangay Sta. Lourdes nitong Sabado ng umaga.

Ayon sa mga mangingisda, manlalambat sana sila nang makita ang sunfish.

Nung una ay natakot pa sila dahil sa laki ng isda, pero nang lapitan nila, napansin nila na puro ito sugat sa katawan at patay na rin.

Tinataya ng mga residente sa lugar na aabot sa 200 kilo ang timbang ng sunfish. Agad nilang tinawagan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources office upang ipaalam ito.

At dahil patay na rin ang isda, pinaghati-hatian na lamang ng mga residente ito upang ulamin.

Ang sunfish ay kabilang sa pelagic fish o mga isda na makikita sa malalim na parte ng dagat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.