Sekyu kritikal matapos barilin ng sinitang lalaki

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 08:54 AM

MANILA - Nalagay sa kritikal na kondisyon ang security guard ng isang remittance center matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay 79, Pasay noong Sabado. 

Batay sa salaysay ng testigo, bandang alas-10 ng gabi nang sitahin ng biktimang si Punnex Kadir ang salarin dahil bawal tumambay sa lugar.

Bumunot umano ng baril ang sinitang lalaki, pinaputukan si Kadir at tumakas.

Isinugod sa San Juan de Dios Hospital ang security guard na nagtamo ng tama ng bala sa likod ng ulo.

Nakatakdang suriin ng pulisya ang mga CCTV camera sa barangay para matukoy ang gunman.

Tinatayang nasa edad 35 hanggang 40 ang salarin, maputi ang balat at nasa 5'8" hanggang 5'10" ang taas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.