Retiradong heneral, bagong MMDA chairman

ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 02:12 PM

Kinumpirma na ng palasyo na si Retired Brig. Gen. Danilo Lim ang susunod na chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Mananatili naman sa posisyon si MMDA General Manager Tim Orbos.

Naglingkod si Lim bilang customs deputy commissioner for intelligence sa ilalim ng administrasyong Aquino, pero nagbitiw ito sa tungkulin taong 2013.

Si Lim ang pinakabagong opisyal mula sa militar na itinalaga ni Pangulong Duterte sa kanyang administrasyon.

Kasama rin sa mga bagong miyembro ng administrasyon sina Environment Secretary Roy Cimatu, na dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at ang kasalukuyang AFP chief General Eduardo Año, na nakatakda namang mamuno ng Department of the Interior and Local Government oras na magretiro siya ngayong taon. 

Taong 2010 nang tumakbo si Lim sa Senado bilang independent candidate. Tumakbo din sya sa ilalim ng Liberal Party pero natalo.

Nakulong si Lim noong 2006 dahil sa pagkakasangkot sa pag-aalsa ng militar laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, pero binigyan siya ng amnestiya ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Nakiisa rin si Lim sa coup laban sa dating Pangulong Corazon Aquino noong 1989.

--May ulat mula kay Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.