Pulis patay sa pamamaril sa piyesta

Divine Sing, ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 02:41 PM

DUMANGAS, Iloilo - Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa gitna ng pagdiriwang ng piyesta ng Barangay PD Monfort ngayong Linggo 

Wala nang buhay si SPO1 Sherwin Arondain nang matagpuan ng mga residente sa tapat ng bahay ni Ofelia Decastillo. 

Nasawi ang pulis dahil sa tama ng baril sa kanyang pisngi at katawan, ayon kay Chief Insp. Hilarion Roga, team leader ng police Scene of Crime Operatives (SOCO).

Napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon na naki-piyesta si Arondain sa bahay ng isang Erlinda Doce at pauwi na sana siya nang paslangin. 

Tumakas patungo sa magkakahiwalay na direksyon ang hindi pa matukoy na dami ng mga salarin. 

Patuloy ang imbestigasyon sa pagkamatay ng pulis. 

Nakadestino si Arondain sa New Lucena sa Iloilo, at nakatira sa kalapit na bayan ng Anilao. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.