OFW sa Saudi, hindi makauwi kahit tapos na ang kontrata

ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 03:30 PM | Updated as of May 21 2017 09:30 PM

Panibagong buhay at pag-asa ang hatid sa 100 Pilipinong nagbalik-Pilipinas noong Huwebes matapos mabigyan ng amnestiya sa Saudi Arabia.

Ganito rin sana ang hiling ng OFW na si Fernando Apat, isang construction worker sa Saudi, na dumulog sa Hanap:Buhay.

Hinaing niya, halos limang buwan na siyang nakatengga simula nang matapos ang kanyang kontrata noong Disyembre 2016. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin siya pinapauwi ng kanyang kumpanya na El Seif Engineering Contracting Company Ltd.

"Ang complaint lang namin, bakit hindi kami pinauwi e tapos naman kami sa kontrata," ani Apat. "Ang nakalagay doon sa kontrata, 24 (months)... with ticket papuntang Pilipinas."

Sinubukan rin nilang humingi ng tulong sa agency nila sa Pilipinas pero hindi umano sila nabigyan ng pansin.

Si Apat ay isa lamang sa halos 50 pang manggagawang Pinoy mula sa kumpanyang El Seif na hindi makabalik sa Pilipinas.

Ayon sa OWWA, inaayos na nila ang mga papeles at money claims ni Apat mula sa kanyang pinagtatrabahuhan. 

Tantiya ng OWWA, maaaring makauwi si Apat sa loob ng isang buwan.

"Maikling panahon na lang ang hinihintay, magkakaroon na siya ng exit visa. Most likely within this month at makakauwi na rin siya," ayon kay OWWA administrator Hans Cacdac. 

Ang payo ng OWWA sa iba pang OFW na stranded sa Saudi, magparehistro na rin sa Saudi Amnesty Program.

"Hinihikayat natin, lalo na po ngayon papasok na ang Ramadan, ang last week of May, huwag pong hintayin iyong June 29, ang huling araw ng amnestiya," dagdag ni Cacdac.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.