Nagbayad ng pekeng pera, inaresto sa Taguig

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 08:53 AM

MANILA - Sa presinto ang bagsak ng cellphone technician na si Datu Jay Abdul matapos umanong mahulihan ng pekeng pera sa Bonifacio Global City sa Taguig kahapon.

Kwento ng taxi driver na si Ferdinand Tabaloc, isanakay niya sa Upper Bicutan si Abdul bandang alas-singko ng hapon.

Nagpababa raw ito sa isang mall sa Taguig, tsaka nagbayad ng isanlibong piso.

Dahil P150 lang ang pamasahe ni Abdul, sinuklian niya ito ng P850.

Pero napansin ni Ferdinand na peke ang ibinayad na pera, kaya agad niyang tinawag si Abdul.

Bumalik pa raw ang suspek at pinalitan ang ibinayad na P1,000 ng P500 bill, pero peke din pala ito!

Ayon kay Tabaloc, mabuti na lang at may nagpapatrulyang mga pulis kaya ipinahinuli niya agad si Abdul.

Nakuha naman sa suspek ang P3,500 na pekeng salapi. Napag-alaman na hindi rin daw ito ang unang beses na nambiktima ng driver ng pampasaherong sasakyan si Abdul.

Hindi na sinabi ni Abdul kung kanino niya nakuha ang pekeng pera.

Nahaharap siya sa reklamong Illegal Possession of Counterfeit Treasury and Bank Notes.

Paalala naman ng mga pulis, siyasating mabuti ang perang tinatanggap para hindi mabiktima ng mga pekeng salapi. Ipinaalala nila na mayroong security features ang totoong pera, tulad ng security thread at watermark.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.