Mga kontra death penalty, nag-rally sa UST

ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 07:03 PM

Nagprotesta ang ilang grupong kontra sa panukalang ibalik ang death penalty nitong Linggo sa UST.

MANILA -- Nagsagawa ng isang kilos-protesta ang mga tutol sa panukalang ibalik ang death penalty sa bansa sa Unibersidad ng Sto. Tomas (UST) nitong Linggo.

Nagtipon-tipon muna sa Mabuhay Rotonda, Quezon City ang mga kalahok sa protesta at nagmartsa papuntang UST kung saan isinagawa ang programa ng "Lakbay Buhay" protesta.

Ilan sa mga kilalang personalidad na lumahok sa protesta ay sina Commission on Human Rights chairman Chito Gascon, sina senador Risa Hontiveros at Antonio Trillanes IV, at si Fr. Robert Reyes.

Balak ng mga lumahok sa kilos-protesta na ipanawagan sa Senado ang kanilang pagkontra sa death penalty.

"Sa ngayon po sa Senado, inaabangan namin na itakda muli ang pagdinig sa Committee on Justice at doon patuloy namin ipapasok 'yung kontra argumento na ang death penalty ay cruel, inhumane at degrading punishment," ani Hontiveros.

Isang misa rin ang isasagawa sa pangunguna ni Manila Auxiliary Archbishop Broderick Pabillo. -- report from Zhander Cayabyab, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.