Mga artista at katutubo, lumahok sa fun run sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 09:22 AM | Updated as of May 21 2017 02:40 PM

MANILA - Nakibahagi sa isang charity fun run sa Taguig, Linggo ang mahigit 2,500 na tao, kabilang ang ilang katutubo, mga artista at pulisya. 

Inorganisa ng Junior Chamber International (JCI) Manila sa McKinley Hill, Bonifacio Global City ang "Run for the Mountains" na layong matulungan ang mga katutubong grupo. 

Kabilang sa mga proyektong pinaghahandaan ng JCI Manila ang pagbibigay ng edukasyon, malinis na tubig at mga programang pangkalusugan sa mga indigenous people ng Pampanga, Quezon Province, Mindoro at Cordillera Autonomous Region.
 
Balak din ng grupo na isaayos ang recreational field ng Smokey Mountain sa Tondo, Maynila. 

Kabilang sa mga lumahok sa fun run ang ilang grupo ng Aeta mula sa Pampanga, mga Mangyan mula sa Mindoro, mga Dumagat mula sa Quezon at mga Igorot mula sa Baguio. 

Naging star-studded din ang fun run dahil sa paglahok ng celebrities na sina Gerald Anderson, Jake Cuenca, Coleen Garcia, Gretchen Fullido, Kim Atienza, Troy Montero, Aubrey Miles, Bubbles Paraiso, Sam YG, at Tommy Esguerra. 

Hindi rin nagpahuli sa takbuhan ang mga miyembro ng Southern Police District at mga kawani ng ilang korporasyon. 

Bukod sa fun run, idinaos din ang ilang cultural activities tulad ng blow pipe, archery, sungka, at balancing na layong mapalalim ang pag-unawa sa araw-araw na pamumuhay ng mga katutubo. 

-- May mga ulat nina Michael Delizo at Bianca Dava, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.