Komedyante, nabiktima ng akyat-bahay sa QC

ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 12:43 PM | Updated as of May 21 2017 01:04 PM

MANILA - Sugatan ang isang stand-up comedian matapos salakayin ng akyat-bahay gang ang kanyang tinutuluyang apartment sa Quezon City, Linggo. 

Nagtamo ng bali sa balikat at sugat sa pisngi ang biktimang si Mario Sunga, mas kilala sa pangalang Tiyang Maria.

Ayon kay Sunga, bandang alas-4 ng umaga nang puwersahang pasukin ng suspek ang kanyang apartment sa Scout Chuatoco Street sa Barangay Obrero. 

Tinanggal aniya ng kawatan ang mga jalousie ng bintana para masungkit ang pinto at tuluyang mabuksan.

Nagising naman si Sunga nang buksan ng suspek ang pintuan ng kanyang kuwarto kaya nakipambuno siya rito. 

Sa gitna ng kanilang pagbubuno, pinalo ng suspek si Sunga sa balikat, gamit ang binaklas na jalousie, saka tumakas. 

Ayon sa biktima, may taas na nasa 5'5" ang suspek at payat ang pangangatawan.

Inaalam pa kung ano ang mga kagamitang natangay nito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.