Iringan sa videoke, nauwi sa rambol; 2 patay

ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 08:51 AM

MANILA - Dalawa ang patay habang isa ang sugatan matapos humantong sa rambulan ang iringan sa videoke ng 2 grupo sa beerhouse sa Makati, Linggo. 

Ayon kay Ariel Auste, tanod ng Barangay Sta. Cruz, dakong alas-3 ng madaling araw nang makatanggap sila ng report ng away sa bar sa kanto ng Chino Roces Avenue at Ponte Street. 

Wala na aniyang buhay ang mga construction worker na sina Locre Jay Mabini at Jaymar Octavio nang datnan ng mga awtoridad sa lugar. 

Sugatan naman ang kasamahan nilang si Teodoro Laguer, na isinugod sa ospital. 

Nakakalat sa paligid ng mga biktimang tadtad ng saksak ang mga sirang upuan at bote ng alak. 

Kinumpirma ni Auste na away sa videoke ang dahilan ng pananaksak sa mga biktimang pawang hindi residente ng Makati. 

Nakatakas naman ang mga hindi nakilalang kaaway ng grupo. 

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. -- May mga ulat nina Michael Delizo at Bianca Dava, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.