Foreigner, bugbog sarado ng mga bouncer; viral sa social media

ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 04:33 PM | Updated as of May 21 2017 08:01 PM

Nag-viral sa social media ang video ng isang dayuhan na pinagbubugbog ng mga bouncer sa labas ng isang bar sa Quezon City.

Sa kuha ng isang netizen, makikitang sinusuntok ang lalaki habang nakatumba ito. 

Pilit itinatayo ng isa pang bouncer ang lalaki pero patuloy sa pagsuntok at pagsipa ang dalawa pang lalaki, habang itinatali ang mga kamay nito sa kanyang likuran at inipit ang kanyang ulo.

Ayon sa team leader ng mga bouncer na si Ariel Montano, naging bastos umano ang dayuhan sa kasamahan nilang lady bouncer kaya nagdesisyon sila na ilabas ito sa bar.

Pero nang ilabas ito sa bar, mas lalo itong nagwala habang hawak pa ang isang tinidor. Nagdesisyon ang mga bouncer na agad itong disarmahan.

Aminado si Montano na medyo sumobra ang reaksyon ng kanyang kasamahan, at ang lalaking nakaitim na nakikisuntok ay isa umanong customer.

Sa huli, lumabas umano ang kasama ng dayuhan at humingi ng dispensa dahil sa nagwala nilang kasamahan.

Sinubukan ng ABS-CBN news team na alamin ang katauhan ng lalaking binugbog pero walang blotter ng insidente sa barangay at pulis.

Umani naman ng samu't saring reaksyon sa social media ang nasabing video.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.