Batang babae, patay matapos malunod sa isang resort sa Albay

Karla Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 09:26 PM

BACACAY, Albay - Isang 7-taong gulang na batang babae ang namatay matapos malunod sa swimming pool ng isang resort dito nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa pulisya, iniwan lang sandali ng nagbabantay ang bata para kunan ng pampalit na damit pero pagbalik nito, nalunod na pala ang bata.

Kampante umano ang mga magulang at mga kapatid ng bata dahil marunong itong lumangoy at sanay na sa lugar lalo't pabalik-balik naman ang pamilya sa resort. 

Ayon sa imbestigador na si PO1 Erwin del Castillo, posibleng nilamig o kaya naman pinulikat ang bata. 

Bahagyang na-revive ang bata nang magsagawa ng cardiopulmonary resuscitation o CPR ang lifeguard ng resort at isinugod pa ito sa ospital.

Ngunit binawian pa rin ng buhay ang bata matapos mag-seizure.

Dagdag pa ng pulisya, nagkaroon din umano ng kakulangan sa pagbabantay sa bata kaya nangyari ito.

Hindi pa nagbibigay ng anumang pahayag ang may-ari ng resort at pamilya ng bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.