Kaso ng dengue sa Kidapawan City umabot ng 210

ABS-CBN News

Posted at May 20 2022 12:18 PM

MAYNILA - Naglaan ng pondo ang Kidapawan City para sa mga pasyenteng may dengue, ayon sa alkalde nitong Biyernes.

Mayroong 210 kaso ng dengue ang lungsod, base sa pinakahuling ulat noong Martes, ayon kay Mayor Joseph Evangelista.

"Isang problema ho natin natatakot ho ang tao, ayaw magpaospital dahil sa bayarin. Naglagay tayo ng financial assitance package para sa dengue cases," aniya sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo.

Nasa P15,000 hanggang P20,000 ang maaaring makuha ng mga severe cases ng dengue at nagtayo din ng One Hospital Command para sa sakit, ayon kay Evangelista.

Nagsagawa rin ng cleanup drive at defogging ang mga awtoridad sa high-risk areas sa lungsod, dagdag ng alkalde. Inuna ang mga paaralan dahil balik face-to-face classes na ang mga mag-aaral.

"Habang naglilinis po nagtetesting, screening po tayo. Libre ho yung dengue screening natin," aniya.

Samantala, nanawagan ang alkalde na gawing mandatory ang booster shot ng COVID-19 dahil "madalang" ang nagpapaturok nito. Naabot na ng lungsod ang 70 porsyento ng target population nito at inaasahang maabot din ang hanggang 90 porsyento.