PatrolPH

'Paparating na Pfizer vaccines mula COVAX, dapat ilaan sa mahihirap'

ABS-CBN News

Posted at May 20 2021 07:20 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Dapat ilaan sa mga mahihirap ang paparating na Pfizer coronavirus disease (COVID-19) vaccines mula sa vaccine sharing facility ng World Health Organization na COVAX. 

"Ipinag-utos din po ng Pangulo (Rodrigo Duterte) na ibigay ang Pfizer sa mga mahihirap or sa indigent population dahil 'yan po ang patakaran ng COVAX," ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing. 

Bukod sa higit 2 milyong doses ng Pfizer mula sa COVAX facility at higit 300,000 doses ng Sputnik V na inaasahang darating bago matapos ang Mayo, posible ring i-deliver ngayon ang 150,000 doses ng Moderna, ayon kay Health Secretary Francisco Duque. 

Mula sa bakunang ito, ang mga binili lang ng gobyerno tulad ng Sinovac, Sputnik V at Moderna ang puwedeng gamitin sa economic frontliners o iyong mga nasa A4 category. 

Samantala, puwede namang iturok ang mga bakunang donasyon ng COVAX facility tulad ng Pfizer at AstraZeneca sa mga mahihirap. 

Target simulan ang COVID-19 vaccination sa dalawang sektor sa Hunyo. Plano ng gobyerno na simulan muna ang pagbabakuna sa Metro Manila at sa walo pang lugar na itinuturing na "high risk" ng gobyerno kontra COVID-19. 

Dumating na rin ang 500,000 dagdag na bakuna mula Sinovac nitong Huwebes. 

Pero bago ito maiturok, hihintayin pa ang certificate of analysis nito mula sa manufacturer na magpapatunay na ang dumating na batch ay naaayon sa specifications ng bakuna sa ilalim ng emergency use authorization nito. 

Kumpiyansa naman ang Metro Manila Council na maaaabot ang herd immunity sa NCR bago matapos ang Nobyembre. 

"Despite the fact that na talagang dumami ang mga bakuna sa kalakhang Maynila, ang ating mga mayor po ay nakaka-cope up po dito. In fact mula kahapon hanggang ngayon, mino-monitor po namin, talagang maganda ang performance ng bawat LGU," ani Metropolitan Manila Development Authority chairman Benjamin Abalos. 

Naghahanda na rin ang mga lungsod na i-roll out ang bulto ng mga bakuna na inaasahang darating simula Hunyo. 

— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.