PatrolPH

Pamumuo ng ipuipo, namataan sa Naga, Camarines Sur

ABS-CBN News

Posted at May 20 2021 06:42 PM

Pamumuo ng ipuipo, namataan sa Naga, Camarines Sur 1
Screengrab mula sa mga video nina Salvie Ardales at Jerome Opiana

NAGA CITY - Namataan ng mga residente sa itinuturing na upper barangays sa lungsod na ito sa Camarines Sur ang pamumuo ng isang ipuipo nitong Huwebes ng hapon.

Pasado alas-2:30 ng hapon daw nakita ng ilang residente ang ipuipo, at wala naman daw naitalang pinsala. 

Sa video na kuha ni Jerome Opiana sa labas ng bahay nila sa Vistansa Homes Subdivision sa Barangay Pacol, makikitang tinatangka ng cloud formation na makalapit sa kalupaan para maging ganap na ipuipo. 

Lalo naman daw kumukulimlim ang paligid doon dahil sa kumakapal na mga ulap-ulan o cumulonimbus clouds. 

PANOORIN:

Watch more News on iWantTFC
Kuha ni Jerome Opiana

Mas malapit naman ang kuha ni Salvie Ardales sa ipuipo, na kung lumakas ay posibleng umanong humigop ng tubig sa kalapit na ilog at maging isang water spout.

Hindi man naging ganap na buhawi, nagdala pa rin ito ng malakas na hangin sa mga lugar sa paanan ng Mt. Isarog, pero walang naiulat na pagkasira ng ari-arian dahil dito.

Ayon sa PAGASA Southern Luzon, normal ang cloud formations na gaya nito tuwing may thunderstorms.

Payo ng ahensya sa publiko, umiwas sa lugar kung saan namumuo ang ipuipo dahil bukod sa mapaminsalang hangin at malakas na ulan, posible itong sabayan ng kulog at kidlat.

- Ulat ni Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.