PatrolPH

Duterte balak makipagpulong sa mga dating pangulo ukol sa West PH Sea

ABS-CBN News

Posted at May 20 2021 05:55 PM | Updated as of May 20 2021 07:43 PM

Watch more on iWantTFC

Plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbitahan ang mga dating presidente ng bansa para pag-usapan ang isyu ng West Philippine Sea, sabi ngayong Huwebes ng kaniyang tagapagsalitang si Harry Roque. 

Kasunod ito ng panukala ng dating senador at military chief na si Rodolfo Biazon na dapat pulungin ni Duterte ang National Security Council (NSC) para maging mas malinaw ang posisyon ng administrasyon sa isyu ng West Philippine Sea.

Pero iginiit ng Palasyo na walang nakakalito sa posisyon ni Duterte sa West Philippine Sea.

"Wala pong confusing sa stand ni Presidente sa West Philippine Sea," ani Roque.

Imbes na NSC, ibang mga personalidad, kabilang ang mga dating presidente, ang balak umanong kausapin ni Duterte para pag-usapan ang isyu.

"Iniisip niya na imbitahin ang mga dating presidente, ilang mga personalidad para magkaroon ng isang pagpupulong to discuss the issue," ani Roque.

Sinabihan naman ni Roque ang mga mangingisdang Pinoy na ipagpatuloy lang ang pangingisda sa West Philippine Sea sa kabila ng muling padeklara ng China sa kanilang taunang fishing ban.

Sa ilalim nito, bawal mangisda mula Mayo 1 hanggang Agosto 16 sa South China Sea, kabilang ang ilang bahaging sakop ng dagat ng Pilipinas.

Ayon kay Roque, hindi maaaring ipatupad ang batas ng isang bansa sa labas ng kanilang teritoryo.

Siniguro rin ni Roque sa mga mangingisda na nariyan ang Philippine Coast Guard para pangalagaan sila.

"Diyan lang po kayo sa ating mga tradisyunal na fishing grounds at nandiyan naman po ang ating Coast Guard para pangalagaan din po ang interes ng ating mga mangingisda," ani Roque.

Naghain na ng diplomatic protest ang Pilipinas sa China laban sa fishing ban, na ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ay walang basehan sa ilalim ng international law.

Pinaalala din ng DFA ang desisyon ng arbitral tribunal noong 2016 na nagtaguyod sa tradisyunal at lehitimong fishing rights ng mga mangingisdang Pilipino.

Nauna nang iginiit ng Palasyo na gumagana ang polisiya ni Duterte pagdating sa West Philippine Sea dahil wala umanong nawalang teritoryo ang bansa sa kabila ng sigalot sa China.

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.