PatrolPH

2 sugatan sa magkahiwalay na pamamaril sa Parañaque

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at May 20 2021 06:45 AM

Watch more on iWantTFC

Dalawang insidente ng pamamaril ang naitala sa Parañaque City Miyerkoles, kung saan dalawa ang nasugatan.

Ikinagulat ng mga motorista at mga residente sa Airport Road sa Baclaran nang barilin ang isang lalaking naka-bisikleta.

Kinilala siyang si Sonny Milan, delivery boy ng tubig at residente ng Baclaran.

Agad siyang itinakbo sa ospital dahil sa tinamong pinsala sa mukha.

Nakatakas ang riding-in-tandem na suspek sa pamamaril.

Ayon kay Police Col. Max Sebastian, hepe ng Parañaque City Police, may nakaalitan ang biktima at tinutukoy na nila ang suspek.

Maaaring may nakaaway rin naman ang biktima sa isa pang insidente ng pamamaril sa C5 Road Miyerkoles ng gabi.

Sa paunang imbestigasyon, bumaba ang babaeng biktima mula sa sinasakyang motorsiklo at tumawid ng kalsada nang barilin siya ng driver ng motorsiklo.

Tatlong beses pinaputukan ng baril ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa likod.

Naitakbo pa siya sa ospital at nakuhanan ng pahayag kaya pinaghahanap na rin ng mga pulis ang gunman na kakilala rin umano ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa dalawang kaso.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.