PatrolPH

'Walang trabaho, ayuda kinulang': Ilang residente sa Bacoor humantong sa panlilimos

ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 04:17 PM | Updated as of May 20 2020 06:57 PM

Watch more on iWantTFC

BACOOR, Cavite - Bitbit ang mga kinakalog na baso, humilera sa Alabang-Zapote road ang mga nasa 15 residente ng Barangay Longos sa siyudad na ito. 

Masakit man para sa kanila, kailangan na umano nilang mamalimos para mabuhay ang kanilang mga pamilya. 

Isa rito si Abner Rodriguez, na nawalan ng trabaho bilang construction worker kaya wala rin siyang pinagkakakitaan. 

“Nagpapalimos kami wala kami makain, kulang ang suporta ng gobyerno sa amin dito sa brgy namin kaya kailangan namin kumita kahit papaano walang wala talaga eh," ani Rodriguez. 

Tindero naman si Renato Ocarisa pero hindi makatinda. Gutom na umano ang kaniyang inabot at kinulang ang nakuha niyang P6,500 dahil sa tagal ng lockdown. 

"Nangungupahan pa kami ng bahay. Dalawang buwan na ang bahay namin [ang upa] P2,500 so may utang kaming P5,000 ngayon, kuryente pa. Tubig, saan naman kukuhanin iyan. 'Yong pangkain pang-araw-araw kaya ginagawa namin kahit nakakahiya man," ani Ocarisa. 

Hindi rin makapangalakal ng basura si Eva Cruz. Problema niya ang maysakit na asawa. Wala pa umano silang malapitan na tulong kaya nauwi siya sa panlilimos. 

"Ginagawa ko po kasi ito para sa anak ko kaya ako namamalimos yung asawa ko po kasi may sakit yan, hinihingal parang may atake sa puso. Minsan didiskarte na lang, minsan wala, tinutulog na lang namin ang gutom namin," ani Cruz. 

Bawat sasakyang dumaraan ay pinapara nila pero madalang may humihinto. 

At kapag may humihinto, hindi nila maiwasang dumugin ang sasakyan para makakuha ng kaunting limos. Para sa kanila, malaking tulong na ang barya-baryang nakukuha dahil mairaraos ang kanilang gutom kapag naipon ito. 

Inilapit ng ABS-CBN News team ang kalagayan nila sa Barangay Chairman ng Barangay Longos. 

Ipinatawag ang mga namalimos pero sa takot na sila ay ikulong, tatlo lamang ang dumating sa barangay hall.

Binigyan sila ng tig-P500, bigas, isda, delata at mga food supplement ng barangay chairman na si Ernesto de Rojas. 

"Nakakaawa naman yung pamilya nila Naiintindihan ko paghihirap nila kaya nila nagawa yun dahil sa talagang sobrang hirap na rin sinasapit nila.Sa susunod wag nyo na uulitin yun baka mamaya magkaroon kayo ng sakit o mahawa ang pamilya niyo," ani De Rojas. 

Malaki ang pasasalamat ng mga namamalimos sa iniabot an tulong sa kanila. 

Si Johnnier Manampad na may 8 anak, kampante nang may pagkain ang kaniyang pamilya. 

“Maraming salamat po sa ibinigay nyo sa amin," ani Manampad. 

Agad nilang pinaghati-hati ang mga natanggap na biyaya sa kapitbahay. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.