PatrolPH

Villar nag-sorry sa middle-class workers

ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 05:30 PM | Updated as of May 20 2020 08:25 PM

Watch more News on iWantTFC

Humingi ng paumanhin si Sen. Cynthia Villar kung may nasaktan man sa kaniyang mga naging pahayag nang kuwestiyunin niya kung bakit tumatanggap ng ayuda mula sa gobyerno ang mga middle-class worker.

Sa isang pahayag ngayong Miyerkoles, nilinaw ni Villar na wala siyang intensiyong alipustahin ang mga middle-income earner.

"If I have offended anyone with my statements, I humbly apologize," ani Villar.

Nagkamali lang daw siya sa mga salitang ginamit nang mapag-usapan ang paksa sa pagdinig sa Senado noong Martes.

Tiniyak ni Villar na nagmamalasakit siya sa middle-income earner, at patuloy ding nagsusulong ng kanilang proteksiyon at interes.

"I am concerned and I lookout for the welfare of the middle income workers," aniya.

Umani ng batikos mula sa netizens ang mga pahayag ni Villar sa pagdinig noong Martes, kung saan kinuwestiyon niya ang pagtanggap ng middle-income workers ng tulong mula sa social amelioration program ng gobyerno.

Sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act, 18 milyong pamilya ang target tulungan ng gobyerno.

Pero naunang sinabi ni Villar na ang 18 milyon target ay 82 porsiyento na ng pamilyang Pilipino kasama ang middle-income families, na hindi umano tama.

"Bakit bibigyan [ng aid] 'yung middle [class] e may trabaho sila? Kahit lockdown, sumusuweldo sila sa gobyerno kung employed by the government. Kung employed naman ng mga private, nagsusuweldo din sila kaya nga nahihirapan yung mga companies because they have to pay the salaries even if there is no business," ani Villar.

"Hindi ko ma-accept 'yung figure na 'yun kasi masyado mataas. Nade-deprive 'yung mahihirap," aniya.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.