Pagpapatupad ng 'barangay-level' lockdown sa PH pag-aaralan ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 05:52 PM | Updated as of May 20 2020 06:18 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Pag-aaralan ng gobyerno kung magpapatupad na lamang ng "barangay-level" lockdown sa gitna ng pagpapaluwag ng quarantine restrictions sa bansa. 

Ito ay para tuluyang mabuksan ang ekonomiya ng bansa, paliwanag ni COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. 

Dito, paliliitin lang ang sakop at uunahin ang paghigpit ng lockdown sa mga barangay na may kaso ng COVID-19. 

"Ibig sabihin, paliitin lang natin. Gagawin natin is 'yong barangay na mayroon cases, 'yon ang ilo-lock down natin para ma-preserve natin ang economy," ani Galvez sa briefing kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang. 

Sa ngayon, nasa modified enhanced community quarantine ang Metro Manila, Laguna, at Central Luzon (maliban sa Tarlac at Aurora) sa layuning mabuksan ang ekonomiya habang may banta pa rin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Nanatili naman sa enhanced quarantine ang Cebu at Mandaue, habang ang ibang parte ng bansa ay nasa general community quarantine. 

Ayon kay Galvez, bibigyan ng gabay ang mga lokal na pamahalaan kung paano gagawin ang barangay lockdown, sakaling aprubahan ito. 

Una nang nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya mag-aatubiling ibalik sa mas mahigpit na lockdown ang ilang lugar sa bansa kapag patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) 

Partikular rito ang ang mga nasa modified enhanced community quarantine kung saan ilang industriya na ang pinayagang magbukas. 

“Since there is already a gradual opening titingnan natin kung pupwede ba ito, kasi kung babalik tayo sa dati, if the contamination will be as fast as before, and it will continue to infect iyong mga nakalabas na, then we will just go back to the original program,” sabi ng Pangulo. 

SOCIAL AMELIORATION

Samantala, bibigyang-prayoridad ng gobyerno ang may 5 milyong pamilya na hindi nakasama sa unang bigayan ng social amelioration program. 

Tanggal na rin sa ika-2 bugso ng pagpapamigay nito ang mga nasa lugar na may general quarantine. 

"Ngayon magtipid tayo. Gusto natin na bigyan lahat eh ang problema ho wala tayong kita. Alam naman ninyong walang nagbabayad ng buwis for all of the months that we were under a lockdown or a quarantine. So remember that we are short of tax collections. And kayo na ho umiintindi. Lahat naman tayo nagdudusa and hindi naman natin gusto 'to," ani Duterte. 

Hindi na rin padadaanin sa mga local officials ang pondo para sa ika-2 bugso ng SAP. Sa halip, tutulong ang mga tauhan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa distribusyon ng handa. 

Sa ngayon halos 200 barangay officials umano ang iniimbestigahan ng PNP sa mga anomalya kaugnay ng social amelioration fund. Dito, 12 ang nakasuhan at 2 na ang inaresto. -- May ulat nina Joyce Balancio at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.